Magandang araw po sa inyong lahat, mga pinipitagang ginoo. Napakaganda ng layuning ito, ang pagsasalin ng mga babasahing Linux sa ating wika. Harinawa'y magbunga ang mahirap na gawaing ito sa pamamagitan na rin ng ating pagsusumikap at pagtitiyaga.
Nais kong ialay sa inyo ang aking serbisyo, bagama't hindi ako bihasa sa pag-poprogram. Maaari kong isalinwika ang mga babasahing kinakailangan natin. Hinihiling ko lamang na tulungan ninyo ang abang lingkod sa mga bagay-bagay na kung minsan ay mahirap ipaliwanag at upang maipaliwanag ng lubos ang diwang isinasaloob ng babasahin. Lubhang malawak ang sakop ng ating binabalak. Sana'y di maging ningas-kugon ang ating mga kilos. Sana'y makahanap ng oras at maisingit natin ang gawaing ito sa kabila ng ating trabaho, sa pag-aalaga ng ating pamilya, sa pang-araw-araw na kabuhayan, at sa pag-aaral ng mga bagong tuklas sa larangan ng Linux at computer technology. Nais kong imungkahi sa inyo, mga ginoo, na kung papayag kayo, ay unahin natin ang internalisasyon o lokalisasyon ng kasalukuyang KDE Desktop Environment sa wikang Filipino. Gawin rin natin ito sa nalalapit na paglalabas ng Gnome 2.0. Madaling gawin ang bagay na ito. Sa pamamagitan ng munting hakbang na ito ay masisimulan natin at maihahayag natin sa mundo na nagkakaisa ang mga Filipino sa paggamit ng Linux. Kapag natapos na ang gawaing ito, pagtuunan naman natin ng pansin ang pagsasalinwika ng iba pang mga mahahalang babasahin. Sa aking palagay ay mainam na maisalinwika agad ang KDE o Gnome sa Filipino upang maisama natin sa Bayanihan Linux CD na ginagawa ng DOST. Matatag, mahusay at matulin na ang kasalukuyang labas ng KDE at Gnome. Kung sakaling pahintulutan ng Pangulo ng Pilipinas ang paggamit ng Bayanihan Linux CD sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga paaralan, maipagmamalaki natin na ang gawaing ito'y naisalinwika na sa diwa at isip ng tunay na Filipino. Sana'y maging kaaya-aya sa inyo ang mungkahing ito. Lubos na gumagalang, Miguel Panganib _ Philippine Linux Users Group. Web site and archives at http://plug.linux.org.ph To leave: send "unsubscribe" in the body to [EMAIL PROTECTED] To subscribe to the Linux Newbies' List: send "subscribe" in the body to [EMAIL PROTECTED]
